Letter from the founder

Magandang Araw!

Maaaring hindi nga talaga pantay-pantay ang mga estado natin sa buhay at kahit kailan ay hindi talaga mangyayaring maging pantay-pantay ang mga tao. Masakit man tanggapin subalit talagang mas maraming tao ang lilisanin ang mundong ito ng kapos sa pinansyal na pangangailangan. Sa katunayan pa nga nyan ay madami din sa atin ang maaaring hindi na magkaroon ng sariling bahay o sariling sasakyan at lalo na ang magkaroon ng malaking ipon sa bangko. Bagamat mukhang nakalulungkot ang katotohanang ito, para sa akin ay hindi naman talaga ang mga bagay na ito ang tunay na masasabing yaman ng isang tao. Hindi bahay, pera, sasakyan, o mamahaling gamit ang makapag-bibigay ng seguridad, tunay na kaligayahan, at ng mataas na kalidad ng buhay. Sa bandang huli, sa oras na tayo ay nakaratay na sa banig ng malubhang karamdaman, sa panahon na itinutulak na lamang ang ating wheelchair ng ating asawa o anak, sa panahon na halos wala nang pwedeng pagkain para sa atin, ay doon palang natin marerealized na ang tunay na yaman ng isang tao ay walang iba kundi ang kanyang kalusugan, at ang sasabihin nalang natin sa ating mga sarili sa oras na iyon ay "sana nabigyan ko din ng pansin ang katawan ko nung may panahon pa". 

Aanhin mo pa ang magandang bahay kung namimilitpit ka naman sa sakit ng katawan? Aanhin mo pa ang magandang sasakyan kung hindi mo naman ito magawang imaneho dahil di mo naman magamit ang mga paa mo gawa ng arthritis at ng malabo mong mga mata gawa ng diabetes? Aanhin mo pa ang dami ng pera kung puro sa gamot at pagpapagamot lang naman ito napupunta? Aaanhin mo pa ang mamahalin at magagandang damit kung hindi mo naman ito magamit dahil hindi bagay sa sukat ng iyong katawan?

Kapag nagpupunta tayo sa beach kapag summer, naiisip natin na ang sarap kung maayos ang pangangatawan natin, na kahit simpleng damit lang ang suot natin ay ayos lang kasi itsura ng katawan natin ang nagdadala hindi ang damit. Kapag nagpupunta tayo sa iba't ibang magagandang lugar iniisip natin na ang sarap siguro kung nakakatakbo ako pataas ng hagdan ng Baguio, kung nakakalangoy ako sa ganda ng dagat, nakaka akyat ako sa matataas ng bundok. Kapag tinitingnan natin ang ating mga anak o apo iniisip natin na ang sarap sana kung nagagawa kong makipaglaro sa kanila, kung kaya ko lang sana tapatan ang energy nila, kung may lakas lang sana ako.  Ito ang sukatan ng tunay na yaman, dito mo makikita kung ano ang kalidad ng buhay (quality life) na mayroon ka.

Sa haba ng panahon na aking iginugol sa trabaho at industriyang ito ay nakasalamuha ko na ang lahat ng uri ng tao mula sa pinaka bata hanggang sa sobrang tatanda, sobrang mahihirap hanggang sa mga sobrang yayaman. Nakita ko na kung papaanong pinahirapan ang buhay ng maraming tao ng iba't ibang malulubhang sakit. Kahit mayaman o mahirap ay iisa lang ang palaging sinasabi sa oras na sila ay singilin na ng kanilang katawan at yun ay " Pinagsisisihan ko na hindi ko binigyang pansin ang aking kalusugan ".  Ito ang nagtulak sa akin upang pagsumikapan ang proyektong ito at maitayo ang isang kompanya na walang ibang ibebenta maliban sa QUALITY LIFE at HOPE (pag-asa). Napatunayan ko sa aking sarili na kahit gaano kaliit ang iyong kinikita, kahit kaano kapangit ang iyong tinitirahan, at kahit barya nalang ang laman ng wallet mo, basta malusog ka at alam mong ginagawa mo ang dapat mong gawin para manatili kang malusog ay palaging may pag-asa, palagi kang may dahilan para maging masaya at patuloy na mangarap at magsumikap para sa isa na namang  umaga. 

Sinabi ko sa aking sarili na ang kompanyang ito ang magbibigay ng dahilan sa bawat magulang na nagsusumikap para mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga anak at sa mga anak na nagsusumikap para sa kanilang mga pangarap na pamilya, ng assurance na mabigo man sila sa kanilang mga materyal na naisin sa buhay ay mayroon paring isang bagay, isang yaman, na maaari nilang namnamin at pakinabangan balang araw kapag sila ay matatanda na. At yun ay ang maayos na kalusugan, isang buhay na malaya sa synthetic na gamot at malayo sa pagpapaospital. Isang buhay na magagawa mong namnamain ang sarap ng kahit na pinakamurang pagkain dahil walang bawal sa iyo, isang buhay na maaari mo paring magamit upang patuloy na pagsilbihan ang mga mahal mo sa buhay. 

Sa abot ng aming makakaya ay nais namin gisingin ang tao sa kasinungalingan na patuloy na ibinibigay sa kanila ng mga mamahaling produktong nagbibigay daw ng mabilisang solusyon sa  mga problemang may kinalaman sa kalusugan. Ganundin sa kaisipan na tanging doktor lamang daw ang nakakaalam ng lunas sa kanilang mga karamdaman at walang ibang lugar na maaari kang maging maayos maliban sa ospital. Wag po ninyo kalilimutan na HINDI MAHAL ANG MAGING MALUSOG.

Panahon na upang baguhin natin ang ating kaisipan tungkol sa ilang bagay tungkol sa buhay. Hindi pera ang gasolina natin sa araw araw, ang gasolina natin ay isang komprehensibong programa na mura, may puso, at epektibo na siyang magpapanatili ng ating maayos na pangangatawan habang inaabot natin ang ating mga pangarap at tinutugunan ang ating mga responsibilidad. 

Maaari natin sabihin balang araw na tayo ay pinagkaitan ng maraming materyal na bagay sa buhay, subalit hindi kailanman natin maaaring sabihin na tayo ay pinagkaitan ng pagkakataon na magkaroon ng maayos na pangangatawan at kalusugan. Kung nababasa mo ito ngayon ibig sabihin ay may pagkakataon ka pa. Hayaan niyong tulungan namin kayo. Wag na nating hintayin na sa huli pa tayo magsisi, na sa huli pa natin makita na lahat ng pagsasakripisyo, lahat ng pagsisikap, at lahat ng panahon na ginugol natin para lamang mabigyan natin ng maayos na buhay ang mga mahal natin sa buhay ay mapupunta lang din sa wala. Bakit? Dahil mapapagtapos nga natin ang ating mga anak sa pag-aaral pero para saan? Para mag trabaho sila at ang kapiranggot na kanilang kikitain ay itutustos lang nila sa malubha nating karamdaman. Naipatayo nga natin sila ng tahanan pero anong alaala ang iiwanan natin sa tahanan na iyon? Alaala kung saan tayo ay nagdusa sa malubhang sakit bago tayo mamatay? Baka nga kahit yung bahay na iniwan natin sa kanila ay mabenta pa para lamang ipangtustos sa sakit natin. Hindi ito ang pangarap natin sa buhay, hindi ito ang gusto natin para sa mga mahal natin. Kaya ngayon palang dapat sagutin mo na ang tanong na ito sa iyong sarili... ANONG KAYAMANAN BA ANG NAIS MO PARA SA IYO AT SA IYONG PAMILYA? at KAILAN MO ITO UUMPISAHANG PAGSUMIKAPAN?.

 

-Coach Celso Jacinto “ Coach CJ” Biboso

Founder, Breakpoint Lifestyle Project